GUNMAN NI PERCY LAPID, SUMUKO NA!

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na sumuko na sa mga otoridad ang umano’y gunman sa pagpatay sa beteranong radio broadcasted na si Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid.

Kinumpirma ni Abalos nitong Martes ang pagsuko ng suspek na kinilalang si Joel Estorial na taga-Quezon City at ayon sa DILG secretary, sinabi ng suspek na nangangamba ito para sa kanyang kaligatasan kaya siya sumuko.

“Ang initial report ay siya ay sumurrender out of fear for personal safety dahil natakot siya sa kanyang safety niya dahil pagkatapos ilabas sa publiko ang kanyang mukha,” sabi ni Abalos.

Kung matatandaan, binaril si Mabasa gabi ng Oktubre 3 habang papauwi sa kaniyang bahay sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City. Si Lapid ay host ng online broadcast program na “Percy Lapid Fire” sa DWBL 1242 at kolumnista sa diyaryong Hataw.

Bago sumuko si Estorial, umabot sa P6.5 milyon ang iniaalok na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek sa pagpatay kay Lapid.

Samantala, kinilala ng suspek ang kaniyang mga kasabwat na sina Edmon at Israel Dimaculangan, at isa pang nagngangalang Orlando o Orly. Sinabi ni Estorial na hindi niya alam ang apelyido ni Orlando.

Tinutugis pa sa ngayon ang magkakapatid na Dimaculangan, na mula sa Las Piñas City, at si Orlando. Ipinakita ni Abalos ang larawan ng tatlo.

Ayon kay Estoral, nagmula sa New Bilibid Prison (NBP) ang utos ng pagpatay kay Lapid, at may kumontrata sa kanila mula sa kulungan para isagawa ito.

“Galing po sa loob… sa Bilibid po,” sabi ni Estorial nang tanungin ni Abalos kung saan nagmula ang utos.

Sinabi ni Estorial na siya ang bumaril kay Lapid.

“Ang usapan namin doon, kung sino ang matapat doon sa Percy, siya ang babaril. Nagkataon po na natapat sa akin. Sabi naman po kapag ‘di ko binaril ako po ang papatayin kaya binaril ko na po si Percy,” sabi ni Estorial.

Sinabi ni Abalos na nagbigay na si Estorial ng extrajudicial confession, at pinabulaanan ang mga posibleng espekulasyon na panakib-butas lamang ang suspek.

Ayon pa kay Abalos, nagtugma sa ballistic examination ang baril ni Estorial at isang bala na natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.

Bukod dito, nabawi rin ang mga damit ng gunman na nakitang suot niya sa CCTV footage, bagama’t ginupit na ito para magkapira-piraso.

Humingi ng tawad si Estorial sa pamilya ni Lapid at sinabing hindi niya intensyong patayin ang mamamahayag.

“Sana po mapatawad po ako nila. Hindi ko naman kagustuhan ‘yun,” sabi ng suspek.

Pinagbawalan ng pulisya na magbigay ng karagdagan pang tanong ang media kay Estorial, at sinabing nagsasagawa pa ng follow-up operation.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *