Pagtuloy ng blended learning sa public schools, ipinanawagan

Inihayag ng isang grupo ng mga guro nitong Martes na dapat na umanong payagan ang mga pampublikong paaralan na ipagpatuloy ang blended learning sa mga ito sa susunod na buwan.

Ang panawagan ay kasunod nang pagpayag ng Department of Education (DepEd) na ipagpatuloy ang blended learning sa mga pribadong paaralan. Una nang sinabi ng DepEd na kailangan nang maging face-to-face ang klase sa lahat ng mga eskwelahan sa bansa simula Nobyembre 2.

Sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition chairperson Benjo Basas, dapat umanong parehong payagan na magkaroon ng blended learning dahil may mga paaralan pa ring gumagamit umano ng distance learning.

“Sa tingin namin, dapat pareho na lang na pinayagan na magkaroon ng blended. Unang-una hindi naman lahat ng eskwelahan ay magkakaroon ng blended; yun lamang mga mangangailangan talaga po nung tinatawag po natin na distance learning modalities, kahit po 1 araw o 2,” sabi ni Basas.

“Hindi naman ito pahinga eh ‘no, kundi ito ay pag-aaral pa rin kasi yung 1 day na ‘yan pwedeng gamitin yan sa pagbibigay ng assignment… yung mga bata either online or modular,” saad niya.

“Sa tingin naman nakakatulong din ito doon sa tinatawag ng DepEd na ngayon na ina-advocate ng DepEd na mental health both for our teachers and students as well,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay DepEd spokesperson Michael Poa, maaaring namang sumulat sa mga regional director ang mga paaralan kung nais nilang ipagpatuloy ang blended learning.

“Yung mga public schools, pwede pong humingi ng exemption mula sa kanilang regional directors depending on their situation. At siyempre po, pag tayo ay natamaan ng calamities, yung mga masususpende na mga klase po sa public schools, siyempre exempted din po dyan sa 5-day in-person,” saad ni Poa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *