Dalawang pulis na nakadestino sa Cebu City ang tinanggal sa puwesto makaraang makunan ng isang netizen na natutulog ang dalawa sa loob ng isang mobile patrol habang naka-duty.
Ang dalawang pulis ay may ranggo umanong staff sergeant at corporal ang mga opisyal at ayon sa mga otoridad ay iniimbestigahan na ang naturang insidente.
Matapos naman ang insidente ay iniutos ng liderato ng PNP Region 7 na alisin ang tint sa mga sasakyan ng Philippine National Police.
Samantala sa Pozorrubio, Pangasinan naman, inalis din sa tungkulin ang pitong miyembro ng Pozorrubio fire station, matapos masawi ang limang miyembro ng isang pamilya sa sunog sa Barangay Poblacion.
May ilan ang nagsabing huli nang dumating ang truck ng bumbero at wala pang kargang tubig.
Patuloy ang imbestigasyon kung nagkaroon sila ng kapabayaan.
Sa ibang balita, arestado ang tatlong tao – kabilang na ang isang pinaghihinalaang bugaw — matapos mabisto ng mga otoridad ang isang restobar sa Lemery, Batangas na ginawang pugad ng prostitusyo.
Sampung babae ang nasagip, kabilang ang isang menor de edad ng mga tauhan ng ng National Bureau of Investigation-Batangas.
Isinagawa ng mga operatiba ng NBI ang raid sa kanilang target na naglalako umano ng babae matapos tanggapin ang pera sa loob ng restobar.
Ayon sa impormasyong natanggap ng NBI, ginawa lamang front ang restobar para sa prostitusyon.
Sinabi ni Atty. Giselle Garcia-Dumlao, spokesperson ng NBI, na may VIP service ang restobar kung saan puwedeng mamili ang mga customer ng mga babae, na puwede nilang dalhin sa VIP room sa halagang P2,000.
Bukod sa bugaw, arestado rin ang cashier ng restobar.
Sinampahan na ng kasong human trafficking at child abuse ang tatlong nadakip na suspek.