Inaresto ng mga otoridad ang dalawang katao na dawit umano sa ilegal na pag-aalok ng trabaho sa Canada at nakatangay umano ng P1 milyon mula sa kanilang mga biktima.
Sa bisa ng warrant of arrest, hinuli ng mga pulis noong Sabado sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang isa sa mga suspek, na kakauwi lang galing Macau.
Ikinanta siya ng kaniyang pinsan na una nang nahuli ng mga pulis sa Makati.
Noong Oktubre 2021, binalak ng ilang Pinoy na magtrabaho sa Canada kaya nagbayad sa isa sa mga suspek kapalit ng alok na trabahong welder at truck driver.
Pero nang beripikahin sa Canadian Embassy kung lehitimo ang recruiter, natuklasan ng mga biktima na peke pala ito.
Aabot sa 24 ang nabiktima.
Ayon sa isa sa mga suspek, ginamit lang ang account niya para tumanggap ng pera.
“Hindi ko naman po sinasadya ‘yong nangyari, tsaka accusation naman po ‘yong nangyari. Naipaliwanag ko din naman po sa [Philippine Overseas Employment Administration] tsaka sa [Philippine National Police] ‘yong nangyari. Nagkataon lang po na biktima po ako, bikitma lang din po kami,” sabi ng suspek.
Haharapin ng mag-pinsan ang kasong large scale at syndicated illegal recruitment.
Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na beripikahin muna kung lehitimo ang recruiter na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa.