Hanggang ngayon ay problema pa rin ng bansa ang food security lalo na pagdating sa bigas na siyang pangunahing pagkain ng ating bansa dahil hindi na malaman ng mga magsasaka kung paano pa nila ibebenta ang kanilang mga ani sa harap nang nagtataasang presyo ng mga pataba at ilan pang kailangan para sa pagtatanim.
Nitong nakaraan nga ay mukhang humina ang ani ng ating mga magsasaka dahil na rin sa pananalasa ng mga bagyo habang ang ilan naman ay hirap nang makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at langis.
Layon pa naman ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pababain ang presyo ng bigas at kahit pa may mga programa nang ipinatutupad ang pamahalaan ay hindi pa rin ito nakakasapat.
Kaya naman minumungkahi ng isang rice group ang pagpapalakas ng local production ng bigas sa harap ng tumataas na presyo nito sa merkado, na idinahilan nila sa pagmamanipula sa presyo nito.
Ayon kay Cathy Estavillo ng Bantay Bigas, ikinadismaya nila ang kawalan ng buffer stock umano ng National Food Authority na may balak na mag-import ng bigas para rito.
Giit din ni Estavillo, mga importer ang ang makikinabang sa plano ng NFA ay malaki ang posibilidad na mas tumaas pa ang presyo ng bigas.
“Maaaring maulit ang nangyari noong 2018 na umabot sa 80-90 ang kada kilo ng bigas,” saad ni Estavillo sa isang panayam.
Para maiwasan ito, dapat umanong bigyan ng gobyerno ng sapat na ayuda ang mga magsasaka.
“’Yung support services, subsidies, irrigation, post-harvest facilities dapat may gawin din ang gobyerno,” sabi ni Estavillo.
Sana nga ay matugunan ng pamahalaan ang mga hinaing na ito ng ating mga magsasaka na palakasin pa ang produksyon ng bigas sa bansa at hindi umasa sa imports dahil hindi talaga biro ang kanilang ginagawa.