Ang kontrobersya kaugnay sa umano’y shortage ng asukal sa bansa ay talagang nakakaapekto na sa mga mamamayan, lalo na sa mga manufacturers na gumagamit ng asukal bilang isa sa mga pangunahing sangkap ng kanilang mga produkto.
At ngayon nga, bukod sa mga kakanin, tinapay, kendi at biskwit, ramdam na rin ng mga gumagawa ng gamot ang pagmahal ng asukal sa bansa.
Ayon kay Philippine Pharmaceutical Manufacturers Association President Higinio Porte Jr., apektado ang produksiyon nila ng ilang syrup at suspension na 20 hanggang 30 porsiyento ng formulation ay gawa sa asukal.
Hinaing pa niya, hindi naman umano puwedeng magtaas ng presyo ang mga manufacturer ng gamot kaya nanawagan ang grupo sa gobyerno na palakasin ang lokal na produksiyon ng asukal, na siyang pinagkukuhanan nila ng raw materials, dahil mahal din ang imported na alternatibo nito.
“Ang ginagamit namin ay special sugar, ‘yong refined sugar… ngayon umaabot na sa P100 per kilo kaya ina-absorb ito ng mga manufacturer,” sabi ni Porte.
Kung matatandaan, nitong Agosto ay pumalo na sa P100 ang presyo ng kada kilo ng refined sugar sa ilang pamilihan dahil umano sa kakulangan ng supply.
Dahil dito, suportado ni United Sugar Producers Federation President Manuel Lamata ang panawagang inspeksyunin at imbentaryuhin ang mga bodega ng asukal sa bansa.
Ayon kasi sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc., mayroon pa ring 171,000 metric tons ng asukal sa bansa.
Iginiit ni Lamata na patuloy rin ang anihan ngayon ng 5 malalaking sugar mills, na inaasahang magbabagsak ng supply sa merkado sa kalagitnaan ng Setyembre.
Samantala, nakipagpulong naman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Senate President Juan Miguel Zubiri kasama ang mga stakeholder ng sugar industry sa Malacañang noong gabi ng Miyerkoles.
Kabilang umano sa nakasama sa pulong ang mga magsasaka, miller, refiner at sugar worker. Idinulog nila ang situwasyon ng industriya kay Marcos, na siya ring nagsisilbing Agriculture secretary.
Kailangan na naman nating maghigpit ng sinturon, dahil talagang parang wala nang habas ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sana lamang ay malampasan natin ito.