Ayusin ang ayuda

Nitong nakaraan ay nagkaroon nang hindi pagkakaunawaan sa pamimigay ng ayuda sa mga beneficiaries na inilatag ng Department of Social Welfare and Development para sa cash educational assistance na ipinamigay nito.

Ang siste kasi, maging ang mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay nakatanggap ng ayuda na dapat ay para sa mga estudyante lamang.

Kaya ang panukala ni DSWD Secretary Erwin Tulfo ay babawiin ang mga ito sa pamamagitan ng “refund” at ayon sa kalihim, kakaltasin sa susunod na bigayan ng regular na ayuda sa 4Ps ang mga nabigyan ng educational ayuda noong Sabado.

Pero pagdidiin ni Tulfo, hindi umano biglaan ang gagawing pagbawi sa naibigay na ayuda sa mga maling benepisyaryo.

Una rito, sinabi ni Tulfo na hindi na kasali sa educational ayuda ang mga mag-aaral na kasama sa pamilyang benepisyado ng 4Ps at kung matatandaan, dumagsa sa mga tanggapan ng DSWD noong Sabado ang mga estudyante, magulang o guardian para makakuha ng pinansiyal na tulong para sa edukasyon mula sa pamahalaan.

P1,000 ang matatanggap ng hikahos na mga mag-aaral sa elementarya, P2,000 sa high school students, P3,000 sa senior high school students, at P4,000 naman sa college students o nasa vocational courses.

Hanggang tatlong mag-aaral sa isang pamilya ang maaaring makatanggap ng ayuda.

“We were overwhelmed and did not expect the turnout,” sabi ni Tulfo sa pagdagsa ng mga tao sa ilang tanggapan ng DSWD, kabilang sa kanilang main office sa Quezon City.

Humingi ng paumanhin ang kalihim sa mga pumila pero hindi nabigyan ng ayuda.

“So to those who came and went home empty-handed that day, [I offer you] my sincerest apologies,” ani Tulfo. “For those parents who were not able to receive cash aid, we assure you that you will get your child’s educational assistance sooner but not later than September 24.”

Kailangang ayusin munang mabuti ng DSWD ang kanilang istratehiya kung paano maipapaabot ang ayuda sa mga tamang benepisyaryo.

Tandaan natin, hindi pa rin natatapos ang pandemya at ang pagdagsa ng mga tao sa mga DSWD offices ay maaaring maging isang super spreader event ng COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *